Inaalmahan ng mga negosyanteng nagbebenta ng pyrotechnics sa Bulacan ang ordinansa ng Quezon City kung saan nasaad na bawal magsindi ng mga paputok at pailaw sa mga pampublikong lugar.
Nakasaad pa sa ordinansa na tanging sa mga itinalagang common area at sa mga sariling bakuran lamang pwedeng gamitin ang mga pailaw.
Ayon sa mga negosyante, taliwas ito sa Executive order 28 kung saan sinasabing pwedeng gumamit ng pyrotechnics sa mga public places.
Ayon pa sa mga negosyante, malaking epekto sa kanilang negosyo ang naturang city ordinance lalo na’t marami sa kanilang mga suki ang mula sa lungsod Quezon.
Depensa naman ng may-akda ng city ordinance na si Councilor Rannie Ludovica, dumaan ito sa public consultation bago tuluyang naging ordinansa.
Dagdag pa ni Ludovica, delikado ang mga pyrotechnics, hindi lamang sa mga tao, ngunit maging sa kalikasan.
Sa ngayon ay tinatapos na ang impelementing rules and regulations (IRR) ng naturang city ordinance.
Samantala, magsisimula na silang manghuli ng mga nagbebenta ng paputok sa mga bangketa sa darating na buwan ng Disyembre.