Person of interest sa Pasig rape-slay case, nagpositibo sa drug test

Mabel Cama’s FB Page

Nagpositibo sa drug test ang isa sa itinuturing na persons of interest sa panghahalay at pagpatay kay Mabel Cama sa Pasig City.

Ayon kay Eastern Police District Director, Chief Superintendent Romulo Sapitula, sa inisyal na examination nagpositibo ang naturang person of interest ngunit kailangan pa muna itong kumpirmahin sa pamamagitan ng urine test.

Hindi rin muna ibinigay ni Sapitula ang pangalan nito.

Ani Sapitula, posibleng nasa impluwensya ng iligal na droga ang gumawa ng karumal dumal na krimen kay Cama, na sinegundahan naman ni Philippine National Police Chief, Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.

Ani Dela Rosa, walang taong nasa maayos na katinuan ang gagawa ng ganung klase ng krimen.

Samantala, ayon naman kay Pasig Chief of Police, Senior Superintendent Orlando Yebra, isasailalim sa polygraph examination o lie detector test ang apat sa limang persons of interest. Aniya, posibleng isagawa ito sa darating na Martes, habang sa hiwalay na araw isasailalim sa kaparehong pagsusuri ang natitirang person of interest.

Matatandaang natagpuan ang bahagyang sinunog na katawan ni Cama sa isang abandonadong opisina sa dating impounding area ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong November 12.

Read more...