Masosolusyonan lamang ng pangulo ang inaasahang mabigat na daloy ng trapiko ngayong papalapit na ang Pasko sa pamamagitan ng emergency powers.
Ito ang naging pahayag ni Communications Secretary Martin Andanar sa isang panayam.
Aniya, sa ilalim ng Senate Bill 11 o ang proposed Transportation Crisis Act of 2016 ay mabibigyan ng kapangyarihan ang pangulo na i-reorganize ang Department of Transportation (DOTr), kabilang na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Dagdag pa ng kalihim, hindi na talaga maiiwasan ang traffic ngayon lalo na’t papalapit na nang papalapit ang Pasko at kaliwa’t kanan na ang mga sale sa mga malls.
Isa pang rason aniya sa pagsikip ng daloy ng trapiko ang pamimigay ng mga kumpanya ng 13th month pay ng mga empleyado, kaya sila nagsisimula na silang mamili.
Kaya naman umaasa ang kalihim na maipasa na ang Senate Bill 11 bago matapos ang Nobyembre/
Sakali namang hindi pa maipapatupad ang naturang panukalang batas, kumpyansa naman ang kalihim na pagbubutihin ng mga ipinapakalat na traffic enforcers ang kanilang trabaho sa mga lugar malapit sa mga malls.