Ang naturang pahayag ng kagawaran ay kasunod ng mga sinabi ng ilang mga opisyal ng pamahalaan na ilalaan ang hindi nagamit na P5 bilyong pondo sa muling pagbuo sa lungsod ng Marawi.
Kabilang sa mga nagsabi nito ay sina Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana at Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) Governor Mujiv Hataman.
Ayon kay DSWD Undersecretary Emmanuel Leyco, sa ngayon ay prayoridad nila ang Marawi. Ngunit hindi naman ito nangangahulugang pababayaan na ang mga biktima ng bagyong Yolanda.
Sinigurado rin ni Leyco na magpapatuloy ang ayudang ibinibigay ng DSWD sa mga Yolanda survivors, kabilang ang P10,000 hanggang P30,000 emergency shelter assistance at P5,000 Presidential Financial Assistance na ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.
Sa huling tala, 211,670 pa na mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Yolanda ang hindi pa nakakatanggap ng ayuda.
Samantala, para naman sa ‘early recovery programs’ ng pamahalaan para sa Marawi City, DSWD rin ang may hawak nito.