Napatunayan ng Laoag City Regional Trial Court na guilty sa ilegal na pag- iingat ng mga armas at eksplosibo ang apat na Chinese nationals.
Sa dalawampu’t-apat na pahinang joint judgement ng korte, sinintensyahan ng reclusion perpetua dahil sa kasong illegal possession of explosives at makulong din ng dalawa hanggang limang taon dahil naman sa paglabag sa section 261 ng Omnibus Election Code sina Leng Haiyun, Dang Huiyin, Liu Wen Xion at Lei Guang Feng.
Naaresto ang apat noong May 28, 2013 sa Pasuquin, Ilocos Norte matapos na masukol ang kanilang sasakyan sa isang Comelec Checkpoint na may dalang mga pampasabog at armas.
Nabigo ang mga dayuhan na patunayan sa korte na otorisado ng Comelec ang pagbitbit nila ng mga armas at pampasabog lalo na’t election period noon.
Nagpaalala naman si Justice Secretary Leila de Lima sa mga dayuhang nasa Pilipinas na sumunod sa itinadhana ng mga batas sa bansa.