Panalo ni Mocha sa Senado abot-kamay na ayon kay Andanar

Radyo Inquirer

“Kung winnability lang ang pag-usapan or ‘yung the possibility of winning ay talagang no-brainer na si Mocha, she can really draw the crowd in a Senate campaign, in a… ‘yung mga ano, miting de avance, ‘yung mga ganun ba ‘no. She can really draw a crowd”.

Yan ang pahayag ni Presidential Communications Office Sec. Martin Andanar nang tanungin kung ano ang magiging laban ni Asec. Mocha Uson sa 2019 senatorial election.

Sa dami ng kanyang mga followers sa social media, sinabi ni Andanar na malaki ang magiging bentahe ni Uson sa halalan.

Binanggit rin ng kalihim na maraming mga kandidato ang target na makuha ang boto ng mga online users tulad ng Facebook kung saan umaabot sa 40 Million na mga Pinoy ang gumagamit nito.

Sa oath taking ceremony kahapon ng mga bagong miyembro ng PDP-Laban ay sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na kasama sa senatorial line-up ng partido si Uson.

Maliban kay Uson, kasama rin sa mga kandidato sa pagka-senador ng PDP-Laban sina dating Metropolitan Manila Development Authority chair Francis Tolentino; Davao City Representative Karlo Nograles; Bataan Representative Geraldine Roman; Negros Occidental Representative Albee Benitez; Presidential Spokesperson Harry Roque, House Majority Leader Rudy Fariñas at Senate President Koko Pimentel.

Bilang tugon ay sinabi ni Uson na nagpapasalamat siya sa pagkakapili sa kanyang pangalan para sa mga pambato ng PDP-Laban sa Senado.

Gayunman, kapag si Pangulong Rodrigo Duterte umano ang personal na magsabi sa kanya na kumandidato sa Senado ay baka mas maging mabilis ang kanyang paglalabas ng desisyon hingil sa nasabing posisyon sa gobyerno.

Read more...