Naglunsad na ng search operations ang Argentine navy matapos silang mawalan ng komunikasyon sa isa sa kanilang mga submarines sa may bahagi ng Atlantic coast.
Bumibiyahe ang submarine mula sa Tierra del Fuego, pabalik sa home base nito sa Mar del Plata.
Huling namataan ang ARA San Juan submarine sa San Jorge Gulf na tinatayang nasa 432 kilometro ang layo mula sa east coast.
Hindi naman bababa sa 44 na tripulante ang sakay ng naturang submarine.
Ayon kay Argentine navy spokesman Enrique Balbi, sa ngayon ay parehong sa himpapawid at sa karagatan na nila hinahanap ang nasabing submarine malapit sa lugar kung saan huli itong namataan.
Ipinag-utos na rin nila sa lahat ng mga terrestrial communication stations na magsagawa ng preliminary at extended search of communications, at na pakinggan ang lahat ng mga posibleng frequencies ng naturang submarine.
Ayon pa kay Balbi, alam naman ng mga tauhan ng submarine na kung mawawalan sila ng komunikasyon sa lupa nang ganito katagal ay dapat umangat na ito sa tubig, ngunit mahigit dalawang araw na itong nawawala.