Ang pinakahuling konsultasyon ay ginanap sa punong tanggapan ng Philhealth sa Pasig City, na dinaluhan ng Member Management Group at iba pang stakeholders gaya ng mga kinatawan mula sa Associated Labor Unions, Federation of Free Workers, Federation of Unions of Rizal, Public Services Labor Independent Confederation, Philippine Government of Employees Association, DepEd National Employees Union, at Trade Union Congress of the Philippines o TUCP.
Ayon kay Dr. Narisa Sugay, ang PhilHealth Officer-in-charge at Vice President for Member Management Group, nais na maipaliwanag ng kanilang ahensya ang mga planong naayon sa mandato na magkaloob ng social health insurance ang lahat ng mga Pilipino.
Sinabi ni Sugay na napalawig na ng PhilHealth ang kanilang benefit packages kahit pa wala pagtaas sa premium noong mga nakalipas na taon.
Ang Office of the Actuary naman, nagprisenta ng revised contribution scheme na aprubado na ng PhilHealth board at inaasahang magiging epektibo sa 2018.
Dito, 0.25% ang pagtaas o premium increase sa Formal Sector, mula sa kasalukuyang 2.5%.
Ibig sabihin, ang magiging buwanang kontribusyon na ay nasa 2.75% na, na dapat ay pantay na bayaran ng empleyado at employer.
May adjustments din na mangyayari sa ibang member sectors.
Katwiran ng Office of the Actuary, napapanahon nang magkaroon ng premium hike upang maka-agapay sa lumalaking health care financing needs ng nasa 90% ng populasyon, at maging ang 10% na unenrolled.
Hati naman ang labor groups sa naturang scheme.
Ayon sa DepEd National Employees Union at PSLINK, kung tutuusin ay naliliitan pa raw sila sa proposed increase, lalo’t kung ikagaganda naman ito ng mga programa at serbisyo ng PhilHealth.
Pero sa panig ng ALU at iba pang grupo, mahirap para sa ibang empleyado ang premium hike gaya sa mga solo parent.