Pagkakasama ng kaibigang pulitiko sa ‘narcopollist’, kinuwestyon ni Cynthia Villar

 

Ikinainis ni Sen. Cynthia Villar ang pagkakasama ng isang kaibigan niyang alkalde sa listahan ng mga tinanggalan na ng police powers dahil sa umano’y pagkakadawit sa iligal na droga.

Matatandaang noong October 30 ay tinanggalan ng police powers ang isang gobernador at 23 alkalde.

Dahil dito, hinimok ng senador si Interior and Local Government Undersecretary at Officer-in-Charge Catalino Cuy na ipatawag at ipaliwanag sa kanyang kaibigan kung paano at bakit humantong sa ganoong desisyon.

Ani Villar, ang kaibigan niyang ito ay isang alkalde sa Mindanao ngunit tumanggi siyang pangalanan ito.

Dapat anya ay makapagpaliwanag ang kanyang kaibigan at sinabi ring iniyakan siya ng asawa nito.

Dagdag pa niya, hindi niya ito ipagtatanggol kung hindi niya alam na maayos itong public official.

Hinimok niya rin ang pamahalaan na huwag ilabas ang listahan hangga’t hindi ito kumpirmado.

Read more...