Ex-Bucor chief Ragos, inalis na ng DOJ sa Bilibid drug trade case, De Lima at Ronnie Dayan naiwan

 

Inquirer.net/DOJ

Ang dating magka-relasyon na lang na sina Sen. Leila de Lima at Ronnie Dayan ang hiniling ng Department of Justice na malitis kaugnay sa drug trade loob ng National Bilibid Prison.

Ito ay matapos magsumite ang panig ng prosekusyon ng motion to amend information kay Judge Juanita Guerrero ng Muntinlupa RTC Branch 204.

Sa mosyon, nais ng DOJ na matanggal bilang respondent si dating Bureau of Correction Chief Rafael Ragos at nagpahiwatig si Quezon City Asst. Prosecutor Ramoncito Ocampo na gagawin nila itong state witness laban kina de Lima at Dayan.

Inihirit din ng panig ng prosekusyon na mabago ang isinampang kaso, mula sa illegal drug trade ay gawing attempt or conspiracy to drug trading at criminal liability of government officials, kapwa nakapaloob sa Republic Act 9165 o ang Dangerous Drugs Act.

Kinansela ang pagbasa ng sakdal kay de Lima bunsod ng naturang mosyon.

Samantala, sinabi naman ni Boni Tacorda, isa sa mga abogado ni De Lima, ang mosyon ng DOJ ay pagpapatunay lang na hindi nila alam kung ano ang talagang partikular na kaso na isasampa laban sa senadora.

Muli lang din hiniling ng kampo ni de Lima na bitawan ni Guerrero ang pagdinig sa kaso.

Itinakda naman sa January 24, 2018 ang pagbasa ng sakdal kina de Lima at Dayan.

Read more...