Abu Sayyaf, nagpapakitang-gilas na lang-AFP

 

Minaliit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga panggugulo ng Abu Sayyaf Group kamakailan.

Ayon kay AFP public affairs chief Col. Edgard Arevalo, marami na ang mga sumuko at napatay mula sa hanay ng Abu Sayyaf Group.

Aniya ang mga hakbang na ginagawa ngayon ng teroristang grupo ay para na lamang pag-mukhaing mayroon pa silang malaking pwersa.

Ipinapahiwatig aniya ng mga ito sa kanilang mga taga-suporta at sympathizers na kaya nilang lumaban sa gobyerno pero iginiit ni Arevalo na nagkakamali ang grupo sa kanilang tantya.

Maari aniyang sabihin na “all meant for show” o pakitang-gilas na lamang ang ginagawa ngayon ng Abu Sayyaf.

Dagdag pa ni Arevalo, hindi maitutumbas ang sporadic firefight ngayon sa dami ng mga sumuko at napatay na miyembro ng grupo.

Naibalik na rin aniya nila sa kani-kanilang mga area of responsibility (AOR) sa Basilan at Sulu ang mga sundalong ipinadala din nila noon sa Marawi City.

Noong nakaraang linggo, anim na sundalo ang nasawi sa engkwentro sa mga miyembro ng Abu Sayyaf sa Basilan, habang nitong linggo lamang ay anim na lokal ang kanilang dinukot sa Sulu.

Babala naman ni Arevalo sa Abu Sayyaf Group, lalo nilang tutugisin ang mga terorista dahil sa kanilang mga ginagawang panggugulo.

Read more...