Pagbabantay sa West Philippine Sea ipinasa na sa Philippine Coast Guard

Inquirer file photo

Inanunsyo ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na ang Philippine Coast Guard na ang magpapatrulya sa West Philippine Sea.

Ayon kay Esperon ito ay sa usapin ng safety of life and sea at environmental protection.

Ginawa nito ang pahayag matapos tanggapin ang biniling dalawang multi-role vessel mula sa Japan maging ang pito sa donasyong 10 rigid hull speed boat.

Ang mga ibinigay na speed boats ay ang ipinangako ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe nang bumisita sa Japan si Pangulong Rodrigo Duterte.

Paglilinaw naman nito maari pa rin naman magtungo sa mga pinag-aagawang bahagi ng West Philippine Sea ang mga barko  Philippine Navy at Philippine Air Force kung magasagawa sila ng military operations.

Ang speedboats ay nagkakahalaga ng 600 million Japanese yen.

Sinabi naman ni Special Advisor to the Prime Minister Kentaro Sonoura layon ng kanilang gobyerno na mapanatili ang ligtas na pagbiyahe sa karagatan ng Asia-Pacific kayat nagpapabot sila ng tulong sa mga kaibigan bansa kasama na ang Pilipinas.

“This sea region and sea lane is extremely important in terms of commercial activities and economic activities so its important to further strengthen the cooperation between Japan and the United States as well as the international community to develop further capacity building for maritime safety”, ayon pa sa Japanese official.

Samantala, sinabi ni Coast Guard spokesman Capt. Arman Balilo na pagkatapos ng commissioning ng mga bago nilang sea assets sa susunod na linggo ay agad na nilang itong idedeploy.

Ukol naman sa pagpapatrulya nila sa West Philippine Sea, sinabi ni Balilo na ito ang napagkasunduan sa kanilang bilateral meeting sa China kamakailan.

Read more...