Senado, mamadaliin ang pagpasa ng 2018 budget matapos maantala ng ASEAN Summit

Inquirer File Photo

Magsasagawa ang senado ng mga marathon sessions matapos maipagpaliban ang nakatakda sanang pagbubukas ng session noong Lunes dahil sa ginanap na 31st ASEAN summit.

Ayon kay Finance Committee Chairman Senator Loren Legarda, ang hakbang ay para matiyak na maaaprubahan ngayong Nobyembre ang 2018 General Appropriations Bill.

Ani Legarda, ngayong linggo ay tatapusin nila ang period of interpellations para sa panukalang budget sa lahat ng ahensya para maisalang na ito sa susunod na linggo sa ikalawa at ikatlong pagbasa.

Agad din umano itong susundan ng bicameral conference committee upang mapag-isa ng senado at kamara ang pagkakaiba sa kani-kanilang mga bersyon ng panukalang 2018 national budget na nagkakahalaga ng P3.767 trillion.

Target ng senado na maisumite ang 2018 budget kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ikalawang linggo ng Disyembre.

 

 

 

 

 

Read more...