SAP Bong Go sa bansag na ‘selfie king:’ “Hala!”

 

Minsan lang sa buhay kaya’t sinunggaban ko na ang pagkakataon.

Ito ang pahayag sa Inquirer ni Special Assistant to the President Christoper ‘Bong’ Go matapos mabansagan bilang ‘selfie king’ dahil sa mga larawan nito kasama ang mga matataas na lider ng mundo sa katatapos lamang na ASEAN summit.

Dahil sa mga larawan na naka-post sa kanyang social media account kasama ang mga world leaders, tinagurian din si Go bilang ‘pambansang photobomber.’

Sa panayam ng Inquirer, sinabi ni Go na napakahalaga para sa kanya na makasalamuha ang mga matataas na lider ng iba’t ibang bansa.

Ito aniya ang dahilan kung kaya’t sa tuwing may pagkakataon, kumukuha siya ng mga selfie kasama ang mga bisita ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Isa aniya siyang simpleng tao at empleyado ng gobyerno lamang kaya’t napakalaking karangalan para sa kanya na makasama sa larawan ang mga itinuturing na pinakamakakapangyarihang tao sa mundo.

Dagdag pa nito, isa lamang siyang ‘extra’ na nagpapakuha ng larawan sa mga ito.

Napansin din ng Facebook ang mga ‘selfie’ ni Go, kaya’t naglabas ito ng feature profile picture frame kasama ang Special Assistant ng pangulo.

Taong 1998 pa ay nagsisilbing kanang-kamay na ng pangulo si Bong Go.

Read more...