Dinepensahan ni Interior and Local Government officer-in-charge Catalino Cuy ang paggamit ng Philippine National Police ng Long-Range Acoustic Device (LRAD) o sonic weapon sa ikinasang kilos-protesta sa unang araw ng 31st Association of Southeast Asian Nations Summit.
Paliwanag ni Cuy, hindi nakakamatay ang paggamit ng LRAD para palakihin pa at gawing isyu ito.
Dagdag pa nito, ginagamit ang LRAD para pahupain ang namumuong tensyon at kaguluhan sa mga protesta.
Nauna nang sinabi ng Gabriela Partylist group na kanilang paiimbestigahan sa Kamara ang paggamit ng PNP ng LRAD.
Ang sonic sound na nagmumula sa LRAD ay nagdudulot umano ng pinsala sa kalusugan ng tao tulad ng pananakit ng ulo, vertigo at pagkasira ng pandinig.
Matatandaang nakapagtala ng mga sugatang raliyista at pulis matapos magpumilit ang mga raliyista na makapunta sa Philippine International Convention Center (PICC) kung saan idinaos ang ilang aktibidad ng ASEAN Summit.