Daan na tatahak sa main battle area sa Marawi City binuksan na

Photo: Erwin Aguilon

Binuksan na ng militar ang daan malapit sa main battle area ng Marawi City patungo sa iba pang mga bayan ng Lanao del Sur.

Ayon kay Col. Generoso Ponio  na siyang Commander ng 103rd Brigade ng Philippine Army, ito ay upang hindi na mahirapan ang mga patungo sa 1st District ng Lanao del Sur.

Bukod dito, makakatulong din anya ang pagbubukas ng nasabing daan sa pamasahe lalo na ng mga estudyante.

Bagaman malapit sa bahagi ng main battle area ng Marawi City, nilinaw ni Ponio na hindi dadaan dito ang mga sasakyan.

Hindi na rin anya kailangang kumuha ng safe conduct pass ang mga sasakyang dadaan sa lugar gayunman kailangang dumaan sa checkpoint ang mga motorista.

Ikinatuwa naman ng mga motorista ang hakbang na ito jg militar dahil nabawasan na ang oras ng kanilang byahe.

Gayunman, bukas lamang ito sa mga sibilyan simula alas- sais ng umaga hanggang alas-sais ng gabi.

Ang mga sasakyan na manggagaling sa Iligan City ay dadaan sa bayan ng Saguiran at tatawid ng Rorogagus Bridge patungo sa bahagi ng Barangay Kilala patungo sa mga bayan sa unang distrito ng lalawigan.

Mahigpit naman ang militar sa mga miyembro ng media sa pagpapadaan sa lugar.

Read more...