Chiz Escudero, tatakbong bise ni Grace Poe

12025516_10206446030404718_934947977_n
Inquirer Photo

Tinanggap ni Senator Francis ‘Chiz’ Escudero ang hamon na tumakbo bilang running mate ni Senator Grace Poe sa 2016 elections.

Sa opisyal na pag-aanunsyo na ginanap sa Club Filipino sa San Juan, sinabi ni Escudero na ang pagtanggap niya sa hamon ay dahil buo ang kaniyang tiwala at paniniwala sa mga katangian at kakayahan ni Poe. “Ako po si Chiz Escudero, tulad ni Grace, tunay na Pilipino, anak, asawa ama, bikolanong lingkod bayan at buong pagpapakumbaba, sa tulong ng mahal na Diyos at Ina, iniaalay ko ang aking sarili sa mas mataas na paninilbihan bilang ikalawang pangulo ng ating bansa,” ayon kay Escudero.

Ang nasabing pag-aanunsyo ay dinaluhan ng pamilya ni Escudero, kasama na ang asawang si Heart Evangelista.

Nakita rin sa Club Filipino si dating Cong. Romeo Jalosjos.

Sinabi ni Escudero na kuntento na sana siya sa kaniyang kasalukuyang buhay lalo pa at kakakasal lamang nila ni Heart.

Pero ayon kay Escudero, alam niyang tunay ang layunin ng puso ni Poe para sa bansa. Aniya, magtatatag si Poe ng GP o gobyernong may puso kapag tuluyang nahalal bilang pangulo ng Pilipinas.

Naging hamon din kay Escudero ang aniya ay pahayag ng ilan na siya ay wala pang napapatunayan at walang karapatang mag-asam ng mas mataas na pwesto sa Gobyerno.

Sinabi ni Escudero na bagaman ang apeliyido niya ay hindi kasing tanyang ng mga apelyidong Quezon, Roxas o Osemeña ay hindi ito dahilan para mahadlangan ang pangarap niya para sa taumbayan.“Escudero lamang ang aking apilyido at hindi ‘sing bantog ng iba, tulad ng Quezon, Roxas o Osmeña.

“Ang pinakamataas kong narating ay pagka-senador lamang at hindi ko akalaing mararating ko iyon, pero hindi ko mapapayagan ang sinasabing wala akong karapatang mangarap o mag ambisyon, lalo na kung ang pangarap ay hindi para sa aking sarili kundi para sa ating mga kababayan,” dagdag pa ni Escudero

Ayon kay Escudero, kung sila ni Poe ay papalarin, ang mga tamad at mababagal kumilos ay walang magiging puwang sa pamahalaan.

Hiniling din ni Escudero ang suporta ng mamamayan sa kanilang dalawa ni Senator Poe.

Read more...