Laya na at nakabalik na sa Los Angeles ang tatlong basketball players ng University of California, Los Angeles (UCLA) na nasangkot sa kasong shoplifting at naaresto sa China.
Dumating sa Los Angeles International Airport terminal ang tatlo matapos na hilingin mismo ni U.S. President Donald Trump ang tulong ni President Xi Jinping ng China sa kaso ng tatlong manlalaro na sina LiAngelo Ball, Cody Riley at Jalen Hill.
Ang tatlo ay dinakip sa China habang ang kanilang basketball team ay nasa Hangzhou para sa season opening sa Shanghai.
Isinailalim sa pagtatanong ang tatlo dahil sa akusasyon na sila ay nagnakaw ng sunglasses mula sa Louis Vuitton store malapit sa kanilang tinutuluyang hotel.
Nanatili lamang ang tatlo sa hotel habang hinihintay ang kahihinatnan ng kanilang kaso habang ang kanilang teammates ay nagpatuloy sa paglalaro sa Shanghai kung saan tinalo ng UCLA ang Georgia sa iskor na 63-60.
Hanggang sa nakauwi na sa U.S. ang team members ng UCLA, nanatili pa rin sa China ang tatlo.
Nagpasalamat naman si Trump kay Xi sa pagtugon sa kaniyang kahilingan.
Hindi na tinukoy kung paano ang naging proseso sa kaso ng tatlo.