Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Usec. Cesar Chavez, isinagawa ang operasyon kay Angeline Fernando sa Makati Medical Center alas 8:00 ng gabi na natapos alas 3:00 ng madaling araw ng Miyerkules.
Sinabi ni Chavez na reconnected na ang braso ni Fernando kabilang ang buto, nerve at vessels.
Mananatili namang under observation si Fernando hanggang sa Biyernes para matukoy kung magagamit niya ng maayos ang braso.
Tiniyak din ni Chavez sa magulang ni Angeline na sina Jose Jr. at Gloria Fernando, na patuloy ang asiste ng pamahalaan sa kanilang pamilya at ilalapit din niya ito sa iba pang ahensyang maaring makatulong.
Si Angeline, na nag-iisang anak at breadwinner ng pamilya, ay nagtatrabaho bilang software engineer sa isang Makati-based IT company.
Noong Martes, alas 2:00 ng hapon, pagbaba ni Angeline sa isang bagon ng MRT ay nahilo ito at nahulog sa riles kaya’t nakaladkad siya ng sinakyang bagon.
Madalas umanong bigla na lang nahihilo si Angeline kapag maraming tao ayon sa kanyang ina.