Dahil sa kawalan ng pasok, make-up classes kailangan ayon sa DepEd

Bunsod ng isang linggong bakasyon ng mga estudyante sa Metro Manila dahil sa Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit, kakailanganin ang pagsasagawa ng make-up classes ayon sa Department of Education (DepEd).

Ito ay upang makumpleto ng mga paaralan ang bilang ng araw na inilaan ng kagawaran para sa taong-panuruan 2017-2018.

Ayon kay Education Undersecretary Tonisito Umali, kailangang isagawa ang mga make-up classes na ito upang punan ang mga araw na nawala dahil sa ASEAN Summit.

Naglaan ang DepEd ng 195 na bilang ng araw ng pasok para sa school year 2017-2018.

Gayunpaman, diskresyon na ng paaralan kung paano ipatutupad ang adjustments para sa make-up classes ayon kay Umali.

Maaari anyang isagawa ng mga paaralan ang make-up classes tuwing Sabado.

Samantala, ang mga paaralang may isang shift lang kada araw ay maaaring pahabain na lamang ang class hours para sa make-up classes.

Read more...