Dahil mahaba-haba ang idineklarang non-working holiday sa Metro Manila, Bulacan at Pampanga bunsod ng ASEAN Summit, dumagsa ang mga turista sa Baguio City.
Kahapon araw ng Lunes, November 13, matinding pagsisikip sa daloy ng traffic ang naranasan sa mga lansangan sa lungsod.
At dahil hindi naman kasama sa deklarasyon ng holiday ang Baguio City, naperwisyo ang mga estudyanteng papasok sa mga paaralan at mga empleyado na papasok sa trabaho.
Dahil sa naranasang perwisyo noong Lunes, nagpasya si Baguio City Mayor Mauricio Domogan na suspindihin ang klase ngayong araw sa lungsod mula pre-school hanggang high school.
Mananatili ang class suspension hanggang bukas, araw ng Miyerkules.
Una nang nagreklamo ang mga residente at motorista sa Baguio City dahil sa grabeng traffic na dinanas nila noong Lunes.
Ang mga driver ng taxi, halos walang kinita dahil wala namang sumasakay na sa kanila dahil wala nang galawan ang mga sasakyan sa kalsada.
Ayon sa datos ng Traffic Management Branch ng Baguio City Police, umabot sa 60 percent ang nadagdag sa dami ng sasakyan sa lungsod mula weekend.
Ito ay dahil sa mahaba umanong holiday sa Metro Manila na idineklara ng pamahalaan.