Pagkakaisa.
Ito ang naging panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mensahe sa ASEAN gala dinner para sa mga world leaders at delegasyon ng mga ito kagabi.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng pangulo na labis siyang nagagalak na naging bahagi ng bihirang pagkakataon at magsilbing punong-abala sa ika-50 taong anibersaryo ng ASEAN Summit.
Humiling ito ng ‘toast’ sa kanyang mga kasama sa okasyon upang manatili ang pagkakaisa, katatagan at patuloy na tagumpay ng ASEAN.
Nananatili aniya ang pagkakaisa sa mga ASEAN-member countries at mga dialogue partners nito dahil sa mga hangarin at mithiin para sa mas matatag na samahan.
Masaya rin aniya ang Pilipinas dahil sa naging kontribyusyon ng bansa sa ASEAN sa nakalipas na mga taon na dahilan kung bakit isang matatag na samahan ito ngayon.
Umaasa naman ang pangulo na sa pagsisimula ng summit ngayong araw, magkakaroon ng positibong diskusyon ang mga member-states at dialogue partners upang lalo pang palakasin ang ugnayan at samahan ng lahat.