Binalaan ng pamunuan ng ASEAN Committee on Security, Peace and Order, and Emergency Preparedness and Response na agad na ipadedeport ang mga dayuhang sumasama sa kilos protesta o anumang political actions habang isinasagawa ang 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa bansa.
Ayon kay DILG officer in charge Catalino Cuy na siya ring chairman ng naturang komite,walang kaparatan ang mga dayuhan na magsagawa ng kilos protesta gaya ng tinatamasang karapatan ng mga Filipino.
Bilang dayuhan sa bansa, sinabi ni Cuy na dapat na umakto ang mga ito nang naayon sa batas na itinatakda ng Pilipinas.
Una rito, nagpalabas na ng operation order ang Bureau of Immigration na nagbabawal sa mga dayuhan na makiisa sa mga kilos protesta sa Pilipinas.
Tiniyak naman ni Cuy na bibigyan ng maayos na deportation proceedings ang mga dayuhang mahuhuling nakiisa sa mga kilos protesta.
Matatandaang kanina lamang, iba’t ibang militanteng grupo ang nagsagawa ng kilos protesta sa may bahagi ng Buendia at Roxas Boulevard pati na sa United Nationas avenue sa Maynila.
Nagtangka ang mga ito na makalapit sa mga lugar na pinagdausan ng ASEAN Summit subalit nabigo ang mga ito matapos harangin ng mga pulis.