Ipinagmalaki ng aktres na si Maria Isabel Lopez ang kanyang pagdaan sa inilaan na ASEAN lane ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kahabaan ng EDSA.
Sa isang Instagram post, sinabi ni Lopez na nakabukas ang kanyang hazard lights nang binagtas niya ang ASEAN lane.
Aniya, tinanggal niya ang harang sa EDSA para makadaan sa ASEAN lane na tila isang opisyal na delegado para sa naturang summit.
Ani Lopez, matapos niyang makalusot sa ASEAN lane ay sinundan pa siya ng iba pang mga motorista.
Proud pa ang aktres at ginamit ang mga hashtag na ‘no sticker,’ ‘leadership,’ ‘pasaway,’ at ‘be like maria.’
Samantala, ayon sa tagapagsalita ng MMDA na si Celine Pialago, isang ‘breach of security’ ang ginawa ng aktres.
Aniya, irerekumenda ng MMDA at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Land Transportation Office (LTO) na suspindihin o kanselahin ang lisensya ni Lopez dahil sa kanyang ginawa.
Naglabas din ng pahayag si Task Group Commander on Route Security Police Director at NCRPO Regional Director Oscar Albayalde patungkol sa naturang insidente.
Aniya, sinusuportahan nila ang naturang rekumendasyon.
Ayon kay Albayalde, bilang isang tanyag na personalidad ay dapat naging ehemplo si Lopez sa lahat ng mga Pilipino.
Dagdag pa ni Albayalde, sana ay magsilbing leksyon ang insidente para sa publiko. Aniya, ang sinumang lalabag sa mga protocol para sa ASEAN Summit ay kinakailangang patawan ng karampatang parusa.
Samantala, naglabas na rin ng pahayag ng Department of Transportation (DOTr) tungkol sa naturang insidente.
Ayon sa kagawaran, sinusuportahan din nito ang hakbang ng LTFRB at ng MMDA na irekumenda ang pagsuspinde o kanselasyon ng driver’s license ng aktres.
Nakasaad sa paayag na sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Arthur Tugade, naniniwala ang kagarawan na walang sinuman ang mas nakatataas pa sa batas at lahat ng lalabag dito ay kailangang managot sa kanilan ginawa.
Kinundena ng DOTr ang aksyon ng aktres dahil anila, ipinakita ni Lopez ang maliwanag na pagbale-wala sa traffic rules and regulations.
Dagdag pa ng kagawaran, nalagay sa panganib ang mga delegado ng ASEAN summit dahil sa ginawa ng aktres na maaaring gayahin ng ibang mga motorista.