Hinimok ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na huwag na munang dumaan sa kahabaan ng EDSA para makaiwas sa mabigat na daloy ng trapiko kasabay ng pagsisimula ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Kahapon, Sabado ay isinara na ng MMDA ang dalawa sa apat na magkabilang lanes sa buong kahabaan ng EDSA para ilaan ang mga ito sa pagdating at pagdaan ng mga delegado ng ASEAN.
Aminado si Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, na ilang libong mga motorista ang naipit sa mabigat na traffic kagabi na umabot pa ng limang oras.
Ani Pialago, nakatanggap ang kanilang official Twitter account ng nasa 100 reklamo dahil sa mabigat na trapiko.
Lalo pang pinalala ang sitwasyon ng EDSA dahil sa 23 mga aksidenteng naganap dito kahapon.
Pakiusap ni Pialago sa publiko, umiwas sa EDSA dahil ngayong araw magsisidatingan ang mga delegado ng ASEAN at ngayong araw din sila pupunta sa kani-kanilang mga hotel.
19 na mga lider ng ASEAN member countries ang nakatakdang dumating sa bansa, bukod pa dito ang mga mula sa United Nations at European Union.