Aung San Suu Kyi ng Myanmar, unang magsasalita sa ASEAN Business and Investment Summit

Aung San Suu Kyi | INQUIRER Photo

Limang pinuno ang magbibigay ng talumpati sa tatlong araw na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Business and Investment Summit na gaganapin sa Parañaque.

Sa press briefing sa International Media Center na isinagawa sa World Trade Center sa Pasay City, sinabi ni ASEAN Business Advisory Council Chairman Joey Concepcion na unang magsasalita si Myanmar State Counsellor Aung San Suu Kyi mamayang 3:30 ng hapon.

Hindi pa matukoy ni Concepcion kung anong paksa ang tatalakyin ni Suu Kyi pero tiyak na magbibigay ito ng inspirasyon sa publiko lalo na at siya ang nagsulong ng demokrasya sa kanilang bansa.

Nakatakda ring magbigay ng talumpati si Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing pagtitipon mamayang 5:30 ng hapon.

Bukas, nakatakda namang maging bahagi ng forum tungkol sa imprastraktura si Russian Prime Minister Dmitry Medvedev.

Magiging bahagi rin ng pagtitipon bukas si Korean President Moon Jae gayundin si Indian Prime Minister Narendra Modi.

Si Dating Pangulong Gloria Arroyo ay nakatakda ring dumalo ng kumperensya sa Martes, habang si Vice President Leni Robredo ang mangunguna naman sa closing ceremony na gagawin din sa Martes.

Tinatayang dalawang libo at limang daan ang mga delegadong dadalo sa ABIS na inorganisa ng ASEAN Business Advisory Council o ABAC.

Sinabi rin ni Concepcion na nakatakdang magsumite ng ulat ang ABAC sa ASEAN Summit bukas.

Read more...