PNP convoy pinasabugan ng landmine ng NPA sa Bukidnon

Ipinag-utos ng pamunuan ng Philippine National Police pagtugis sa mga miyembro ng CPP-NPA na nasa likod ng pagpapasabog ng landmine sa isang police convoy sa Talakag, Bukidnon.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang pagpapasabog ng landmine at bigong ambush sa Barangay Tigkalaan sa bayan ng Talakag.

Pabalik na umano sa kanilang kampo ang mga tauhan ng Bukidnon Provincial Police Office ng maganap ang pagpapasabog ng landmine ng mga miyembro ng NPA.

Sinundan ito ng pagpapaputok ng mga baril ng mga rebelde kung saan ay kaagad namang gumanti ng putok ang mga pulis.

Tumagal ng labinglimang minuto ang barilan at napilitang umatras ang mga rebelde nang dumating ang reinforcement ng pinagsanib na pwersa ng PNP at militar.

Walang naitalang patay o sugatan sa panig ng mga sundalo samantalang inaalam pa kung may casualties sa panig ng mga rebelde.

Kaugnay nito ay naglagay na ng mga dagdag na checkpoint ang PNP at AFP sa ilang mga pangunahing lansangan sa lalawigan ng Bukidnon.

Read more...