Maagang nagpang-abot ang mga miyembro ng militanteng grupo at mga tauhan ng Manila Police District malapit sa U.S Embassy.
Pasado alas-diyes ng umaga nang tangkaing lusubin ng mga miyembro ng Bayan, Anakpawis, Gabriela, Piston, KMU at iba pang grupo ang nasabing embahada.
Pero hindi na sila umabot sa Roxas Boulevard dahil sa kahabaan pa lamang ng T.M Kalaw street ay kaagad na silang sinalubong ng mga anti-riot team ng MPD.
Isinisigaw ng mga kasama sa kilos-protesta ang pagharang sa pagpasok sa bansa ni U.S President Donald Trump.
Kahapon ay nagtangka rin ang nasabing grupo na makalapit sa U.S Embassy pero sila ay nabigo.
Kaninang umaga ay inalis na rin ng mga tauhan ng Metro Manila Development Authority ang ilang mga ASEAN banners na sinulatan ng anti-U.S slogan ng mga militanteng grupo sa kahabaan ng Taft Avenue at ROxas Boulevard.
Nauna nang sinabi ng pamunuan ng Philippine National Police na papayagan lamang ang mga ralyista na magsagawa ng kilos protesta sa Liwasang Bonifacio at ilang freedom parks.
Mamayang gabi naman ay magpapatupad na ng lockdown sa bahagi ng Roxas Boulevard at CCP Complex kaugnay pa rin sa mga inilagat na seguridad sa ASEAN Summit.