Dating Pangulong Aquino, naglagak ng piyansa sa Sandiganbayan

PDI Photo | Lyn Rillon

Naglagak na ng piyansa sa Sandiganbayan si dating Pangulong Benigno Aquino III sa kinakaharap niyang reklamong graft at usurpation of authority kaugnay sa Mamasapano incident noong 2015.

Muntikan pang mag-abot sina Aquino at dating Vice President Jejomar Binay sa anti-graft court na halos sabay na dumating sa parehong dibisyon.

Ang kaso kasi ni Binay at anak na si dating Makati Mayor Junjun Binay ay nakabinbin din sa Sandiganbayan Third Division na hahawak rin ng kaso ni Aquino.

Dumating sa Sandiganbayan si Aquino alas 4:00 ng hapon at dumeretso sa opisina ng 3rd division para mag-proseso ng dokumento sa kaniyang piyansa.

Habang ang mag-amang Binay naman ay humarap sa 3rd division para sa arraignment ng kinakaharap nilang reklamong graft at malversation hinggil sa anomalya sa konstruksyon ng Makati City Hall Building II na nagkakahalaga ng P2.28-billion.

Naglagak si Aquino ng P40,000 na piyansa para sa kasong graft at P10,000 sa kasong usurpation of authority.

Sinamahan pa ang dating pangulo ng mga kapatid niyang sina Ballsy Aquino-Cruz, Pinky Aquino-Abelleda, at Viel Aquino-Dee, gayundin ng pinsan na si Senator Bam Aquino.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...