Nai-raffle na ang mga reklamong graft at usurpation of official functions na isinampa ng Office of the Ombudsman laban kay dating Pangulong Benigno Aquino III kaugnay sa Mamasapano incident.
Ang Third Division ng Sandiganbayan na pinamumunuan ni Associate Justice Amparo Cabotaje-Tang bilang chairperson ang hahawak ng reklamo.
Si Tang ay appointee mismo ni Aquino sa Sandiganbayan.
Ayon kay Sandiganbayan Third Division clerk of court Dennis Pulma, sa ilalim ng procedure ng korte, hindi pa pwedeng maglagak ng piyansa ang dating pangulo hangga’t hindi nagpapasya ang korte na may probable cause sa mga reklamong isinampa ng Ombudsman at mailabas ang arrest order.
Magugunitang isinampa ng Ombudsman ang kasong graft at usurpation of official functions laban sa dating pangulo dahil sa insidente na naganap sa Mamasapano, Maguindanao noong January 2015 na ikinasawi ng 44 na tauhan ng PNP-Special Action Force.
P40,000 ang inirekumendang piyansa kay Aquino o sampung libong piso para sa kasong usurpation of official functions, habang tig-sampung libong piso sa kada bilang ng graft o kabuuang P30,000.