Sa datos ng Office of the Civil Defense, sa Infanta, Quezon, nasugatan ang 56 anyos na si Luzviminda Jayona ng Barangay Tongahin makaraang madaganan siya ng divider sa loob ng kaniyang bahay sa kasagsahan ng malakas na hangin.
Nagtamo ng pasa at sugat sa binti at paa si Jayona dahil sa insidente at dinala sa pagamutan.
Sa parehong barangay sa Infanta, nasugatan ang 31-anyos na si Jeffrey Morillo nang tamaan ng yero mula sa bubong ng kapitbahay.
Sa Atimonan, Quezon naman, nasugatan ang kapitan ng Barangay Malinao Ibaba na si Oscar Almeida nang tamaan siya ng sanga ng puno habang nagpapatupad ng pre-emptive evacuation sa mga residente.
Sa Barangay San Isidro naman sa nasabi ring bayan, inatake sa puso si Joan Aquibay sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
Sa CALABARZON, umabot sa 1,800 ang bilang ng mga residenteng inilikas.
Ang mga ito ay mula sa mga bayan ng Alabat, Gen. Nakar, Gumaca at Atimonan sa Quezon; at sa Los Baños, Paete, Kalayaan, Mabitac at Famy sa Laguna.