Special P2P buses sa ruta ng MRT-3, magsisimulang bumiyahe bukas

Mag-aalok ang gobyerno ng special point-to-point o P2P buses sa ruta ng Metro Rail Transit o MRT 3 simula bukas, araw ng Biyernes.

Ito ang resulta ng naging pagpupulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO) at bus operators para tugunan ang mga naaapektuhang pasahero sa kakulangan ng tren tuwing rush hour, o tuwing nagkakaroon ng aberya.

Mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, magsisimula ang biyahe ng ihahandang 20 P2P buses sa North Avenue Station, Quezon City.

Magkakaroon lamang ang mga ito ng dalawang drop-off points: sa Ortigas Station at sa Ayala Avenue Station.

Samantala sa hapon naman, mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi, magkakaroon ng dalawang pick-up points sa Taft at Ayala Avenue na didiretso hanggang North Avenue.

Dalawampung bus rin ang mag-aantabay sa Taft at sampu naman sa Ayala.

Ayon kay MMDA Assistant Gen. Manager Jojo Garcia, layon nitong mabawasan ang mga sumasakay na pasahero sa MRT at mabawasan ang mga maaapektuhan ng kakulangan sa tren.

Anila pa, dati nang ginawa ng ahensiya ang naturang plano ngunit mas pinili pa rin ng mga pasahero na sumakay sa MRT dahil mas mura at mas mabilis ang biyahe.

Pero ngayon, tiniyak naman ng MMDA na ang magiging halaga ng pamasahe sa P2P buses ay magiging kasing-halaga lang ng pamasahe nila sa MRT: P20 para sa hanggang Ortigas at P24 sa Ayala Avenue.

Maliban dito, magiging istrikto na rin ang otoridad sa yellow lane para sa Public Utility Vehicles o PUV at P2P buses.

Maari pa rin namang magkaroon ng tayuan sa P2P buses, pero titiyakin ng mga dispatcher ng LTFRB na hindi ito magiging overloaded.

Umaasa naman ang mga otoridad na aabot sa trente minuto ang travel time mula North Ave hanggang Ayala dahil anila, magkakaroon ng LTO official kada bus upang hindi maipit sa trapiko.

Samantala, bago tuluyang ipatupad bukas, magsasagawa ng dry run ang mga otoridad mamaya at pagkatapos nito, saka malalaman ang mga magiging pinal na drop-off points.

Read more...