Mayor sa Cebu, inalisan na rin ng police power ng NAPOLCOM

Ikinagulat na lang ni Mayor Mariano Blanco III ng bayan ng Ronda sa Cebu nang matanggap niya ang ulat mula sa National Police Commission (NAPOLCOM) na siya umano ay sangkot sa bentahan ng iligal na droga.

Ayon kay Blanco, lubha niya itong ikinagulat dahil 22 taon na siyang naninilbihan bilang alkalde ngunit ngayon lang nadungisan ang kaniyang pangalan bunsod ng paglabas ng naturang isyu.

Iginiit ni Blanco na malinis ang kaniyang konsensya kaya ipinagtataka niya kung paanong nadawit doon ang kaniyang pangalan.

Dagdag pa ng alkalde, dapat ay nabigyan siya ng due process alinsunod sa batas dahil kailanman ay hindi naman siya nasangkot sa kalakalan ng iligal na droga.

Dahil dito ay tinanggalan na rin ng NAPOLCOM ng kapangyarihan si Blanco sa mga pulis sa bayan ng Ronda.

Nangangahulugan ito na hindi na maaring pumili si Blanco ng magiging hepe ng pulisya ng kanilang bayan.

Kamakailan lang ay inalisan rin ng police power dahil sa parehong kadahilanan sina Mayor Eulalio Alilio ng Lemery, Batangas; Antonio Halili ng Tanuan, Batangas; Loreto Amante ng San Pablo City, Laguna; Cecilio Hernandez ng Rodriguez, Rizal at Raul Palino ng Teresa, Rizal.

Read more...