Alinsunod sa kaniyang kahilingan, binigyan ni Guerrero ng briefing si Robredo tungkol sa nagpapatuloy na rehabilitasyon sa Marawi City.
Isinagawa ang nasabing security briefing sa headquarters ng Philippine Air Force sa Villamor Air Base sa Pasay City kahapon.
Ayon kay Robredo, naging “very comprehensive” ang nasabing briefing na ibinigay sa kaniya ng militar tungkol sa pagsisikap ng pamahalaan na matulungan ang muling pagbangon ng Marawi City.
Ito’y matapos ang bakbakan at panggugulo ng mga terorista na tumagal ng mahigit limang buwan.
Sa nasabing pagpupulong, tinanong ni Robredo ang AFP tungkol sa deklarasyon ng rebolusyunaryong gobyerno na una nang nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero ayon kay Robredo, naging mariin ang pagtitiyak sa kaniya mismo nina Lorenzana at Guerrero na hindi nila ito susuportahan.
“In-assure tayo, in no uncertain terms, both ni Secretary Lorenzana saka ni AFP chief of staff Guerrero, na hindi sila susuporta sa revolutionary government at [sa] kahit anong threat sa ating Konstitusyon,” ani Robredo.
Ani Robredo, naitanong niya ito dahil may mga opisyal ng gobyerno na kasama sa mga usapin tungkol sa pagtatatag ng rebolusyunaryong gobyerno.