Naging matagumpay ang huling convoy dry run para sa gagawing 31st ASEAN Summit sa bansa.
Alas 12:00 ng madaling araw nang magsimula ang dry run na nagsimula sa Clark, Pampanga papunta ng Pasay City.
Siyam na convoy ang tumawid mula sa Southbound lane ng NLEX na tumagal hanggang alas 4:00 ng umaga.
Ayon kay Celine Pialago, spokesperson ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), naging ‘smooth’ ang daloy ng convoy dahil kaunti lamang ang mga sasakyan noong isinagawa ang dry run at inaasahan din nilang magiging konti rin ang volume ng mga ito sa mismong araw ng summit dahil idineklara itong special non-working holiday.
Paliwanag pa nya, malaki ang naitulong ng araw araw nila na briefing sa kanilang mga tauhan dahil naging mas handa ang mga ito sa pagmamando ng trapiko.
Limampung metro ang distansya ng bawat isang MMDA personnel at nakalatag sila sa kahabaan ng EDSA kaya mas visible ang mga ito.
Sa kasagsagan ng dry run, nagpatupad ng stop and go traffic scheme sa kahabaan ng EDSA.
Isinara ang Kamuning flyover sa mga motorista kaya naipon sa ibaba ang mga sasakyan, dahilan para pansamantalang bumagal ang daloy ng trapiko simula Kamuning.
Nagpatuloy ang mabagal na daloy ng mga sasakyan hanggang bago dumating ng Cubao Ilalim na nakasara din sa mga motorista, kaya nagkaroon ng bottle neck.
Nagsikip din ang traffic sa bahagi ng Balintawak hanggang Monumento dahil pinahihinto ng MMDA ang mga sasakyan sa tuwing may dadaang sasakyang bahagi ng convoy.
Hanggang alas 5:00 na ng umaga, ramdam pa ng mga motorista ang epekto sa traffic ng isinagawang convoy dahil inabot pa nila ang build up ng mga sasakyan na naidulot nito.