Ayon sa iprinisentang datos ng National Housing Authority (NHA), 38 percent o 78,291 pa lang ang naitatayo, habang nasa 59,924 na units pa ang hindi pa natatapos buuin hanggang ngayon.
Ayon pa dito, hanggang October 30, 2017 ay nasa 12.7 percent pa lang o 26,256 pa lang ng target na 205,128 na permanent housing units ang naia-award sa mga benepisaryo.
Paliwanag ng mga opisyal ng NHA, isa sa mga dahilan ng mabagal na pagpapatayo ng mga bahay at pamimigay ng mga ito ay ang malubhang pinsalang natamo ng 14 lalawigan at 171 na mga lungsod at bayan dahil sa super bagyo.
Tinukoy naman ng NHA ang mga chokepoints sa proseso, at ito ay ang pagkakaantala ng paglilista at pag-validate ng mga lokal na pamahalaan sa mga benepisaryo; pag-reconstitute sa mga nawawalang titulo ng lupa at procurement ng mga lupang maaring tayuan ng mga bahay; at ang mabagal na pagsisimula ng reconstruction.
Ipinaliwanag naman ni NHA Visayas manager Grace Guevarra na wala namang kakulangan sa nangyari dahil inaasahan na nila ang pagkakaantala ng reconstruction and rehabilitation.
Tanging data gathering lang din aniya kasi ang kanilang nagawa sa unang taon mula nang mangyari ang kalamidad, at hindi talaga ito ang prayoridad ng mga lokal na pamahalaan dahil una nilang pinagtutuunan ng pansin ang subsistence.
Samantala, ngayong araw naman bubuksan ang bidding para sa pagpapatayo sa huling 10,674 na units.