Mga militanteng grupo, papayagang magrally sa kasagsagan ng ASEAN Summit

 

File photo/CDN

Malayang makapagrarally ang mga militanteng grupo sa kasagsagan ng 31st Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit and Related Meetings na gaganapin na sa bansa sa susunod na linggo.

Ito ang naging pahayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Oscar Albayalde.

Gayunpaman, hindi papayagan ang mga ralyista na makalapit o magsagawa ng rally malapit sa main venue ng event na nakatakda sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay.

Ani Albayalde, malaya ang mga militanteng ipagsigawan ang kanilang mga hinaing sa Liwasang Bonifacio o maging sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila.

Inamin ng opisyal na nagpaalam ang mga militanteng grupo na magsasagawa ng kilos protesta sa harap ng US embassy ngunit hindi nila ito pinayagan.

Ang pinakamalapit lamang anya na maaaring malapitan ng mga ralyista ay ang area ng T.M Kalaw.

Upang masiguro ang seguridad at kaayusan ng mga isasagawang rally ay paiiralin ang maximum tolerance ng mga miyembro ng Crowd Disturbance Management o CDM.

Aabot sa nasa 60,000 miyembro ng pulisya ang idedeploy sa kasagsagan ng naturang pagtitipon.

Read more...