Sa kabila ng Martial Law, mahigit 2,000 dumalo sa Youth Day sa Zamboanga

Photo courtesy: Rainier Bognot

Hindi inalintana ng mga kabataan mula sa iba’t ibang diyosesis sa bansa ang krisis na nagaganap sa Mindanao partikular sa Marawi City.

Ito ay matapos maitala ang pagdalo ng mahigit 2,000 kabataan sa National Youth Day (NYD) 2017 na kasalukuyang ginaganap sa Zamboanga.

Ang pagtitipon ng mga kabataan sa pangunguna ng Archdiocese of Zamboanga ay nagsimula nang umarangkada noong Lunes at magtatapos sa Biyernes, November 10.

Ang tema ng NYD ngayong taon ay “The Mighty One has done great things for me, and Holy is His name” na nasa Mabuling Balita ni Lucas, unang talata, bersikulo 49.

Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Youth Executive Secretary Fr. Conegundo Garganta, ang pagdalo ng iba’t ibang delegasyon sa NYD ay malaking tulong upang muling maitaguyod ang tiwala ng mga mamamayan sa Zamboanga.

Dagdag pa ni Garganta, ang pagtitipon ay maaaring maging bahagi ng healing process ng Mindanao matapos ang Zamboanga Siege noong 2013 at nang katatapos lamang na krisis sa Marawi.

Sinimulan ang limang araw na pagtitipon sa isang misa na pinangunahan ni Zamboanga Archbishop Romulo Dela Cruz na dinaluhan ng pilgrims, mga opisyal at mga lokal na residente.

Binasa rin ng Chancellor ng Arkidiyosesis na si Fr. Noli Francisco ang mensahe ni Pope Francis na sumentro sa pag-asang ang kabataang Filipino ay mas uunlad pa sa pananampalataya at magiging mga misyonaryo.

Bukod sa pagpapalalim ng pananampalataya, pag-uusapan din sa nasabing pagtitipon ang ilan sa mga isyung panlipunan tulad ng social media, human trafficking, arts and culture appreciation at social advocacy.

Read more...