Ilang empleyado, dismayado sa mahabang holiday sa ASEAN summit

 

Kung nagdiriwang ang ilang mga empleyado at estudyante sa mahaba-habang bakasyon dahil sa pagdaraos ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit, may ilan namang trabahador na namomroblema.

Ayon kay Federation of Free Workers president Julius Cainglet, partikular na lugi sa mahabang bakasyon na ito ay ang mga manggagawa na “no work, no pay” at iyong mga arawan ang pag-sahod.

Iginiit ni Cainglet na sa mga panahong ito, mas gugustuhin na ng mga manggagawa ang tuluy-tuloy na trabaho upang makapag-ipon sila para sa Kapaskuhan.

Hindi rin naman aniya makaka-raket o makakakuha ng sideline ang mga ito dahil karamihan din sa mga residente ng Metro Manila ay paniguradong magbabakasyon sa panahon na iyon.

Dagdag pa ni Cainglet, sana ay ang mga empleyadong arawan ang sahod na lang ang kinuha ng gobyerno para magtrabaho sa mga aktibidad na may kinalaman sa ASEAN summit.

Matatandaang idineklara ng Malacañang na special non-working holidays ang November 13-15 sa Metro Manila at ilan pang mga lugar.

Samantala, suspendido naman ang klase ng mga estudyante sa Metro Manila pati sa mga petsang November 16 at 17 base naman sa deklarasyon ng Metro Manila mayors.

Read more...