Extradition hearing kay Russell Salic, umarangkada na

 

File photo

Sinimulan na ang extradition hearing laban sa umano’y financier ng mga teroristang nagtangkang umatake sa New York na si Dr. Russell Salic.

Nakaposas na dinala si Salic sa korte kahapon, kung saan ipinaliwanag niya ang kaniyang panig tungkol sa akusasyon sa kaniya na pinondohan niya ang mga teroristang nag-plano ng pag-atake sa Times Square sa New York.

Sa kaniyang deposition, sinabi niyang nagpapadala siya ng pera sa mga international groups para makatulong sa mga biktima ng digmaan at mga pasyenteng may “clubfoot.”

Kabilang aniya dito ang isang organisasyon sa Malaysia na tumutulong umano sa mga Rohingya Muslims sa Myanmar.

Giit ni Salic, ikinapahamak niya ang kagustuhan niyang makatulong sa mga nangangailangan at hindi ang mga terorista.

Kasabay nito ay sinabi rin ni Salic na isa siyang mabuting tao.

Nang tanungin naman siya kung paano siya nasangkot sa imbestigasyon ng Estados Unidos, sinabi niyang ito ay dahil nagbigay siya ng donasyon sa charity.

Bukod sa umano’y pagpapadala niya ng pera sa ibang bansa para suportahan ang mga jihadists, naakusahan din si Salic ng pagpo-post ng mga pro-IS contents sa kaniyang social media.

Pero depensa ni Salic, na-hack ng mga Islamic State followers at sympathizers ang kaniyang Facebook at email account matapos niyang kundenahin ang mga ito noong 2015.

Ibinunyag naman ng US Justice Department na isang undercover FBI agent ang nagmatyag sa pagpaplano ng pag-atake, kung saan sinabi pa umano ni Salic na “it would be a great pleasure if we can slaughter.”

Maliban kay Salic, dalawang iba pa ang nakasuhan dahil sa pagkakasangkot sa nasabing planong pag-atake sa subway sa New York at ilang mga concert venues noong kasagsagan ng Ramadan ng 2016.

Nakikipagtulungan naman na ang US Justice Department sa mga lokal na otoridad ng Pilipinas upang mapabilis ang pag-extradite kay Salic.

Read more...