Pagsusuri ng SET sa citizenship ni Poe, nakatakda na sa Sept. 21

sen grace poe1Itinakda na sa September 21 ang oral arguments kung saan hihimayin ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang mga detalye na may kaugnayan sa citizenship ni Sen. Grace Poe na kinukwestyon ngayon dahil sa isinampang diqualification case laban sa mambabatas.

Batay sa advisory na inilabas ng SET, isa nga sa mga tatalakayin ay kung naibalik nga ba ang pagiging natural-born citizen ni Poe o hindi nang siya’y nanumpa ng katapatan sa Pilipinas noong July 7, 2006, isang taon matapos ang kaniyang muling paninirahan sa bansa mula sa Amerika.

Ilang taon bago ang kaniyang panunumpa ay pabalik-balik ang senadora sa Pilipinas at sa Estados Unidos simula nang ikasal siya sa Filipino-American niyang asawa na si Neil Llamanzares noong 1991.

Kasama rin sa mga tatalakayin ay ang epekto ng renunciation ni Poe ng kaniyang American citizenship noong 2010 sa pagiging kwalipikado niya na magsilbi sa publiko.

Matatandaang sinampahan ni Rizalito David ng disqualification case si Poe at kinuwestiyon ang kaniyang residency at citizenship, pero ibinasura na ng SET sa pamumuno ni Senior Associate Justice Antonio Carpio ang residency issue bilang ground ng disqualification.

Read more...