Mga artista at pulitiko, inaasahang sama-samang susuportahan si Sen. Grace Poe

 

Mga sikat na personalidad sa mundo ng showbiz at mga miyembro ng apat na partidong politikal ang inaasahang dadalo sa gagawing deklarasyon ni Sen. Grace Poe ng kaniyang mga plano sa politika na gaganapin mamayang hapon sa Bahay ng Alumni, University of the Philippines – Diliman, Quezon City.

Ayon sa sources, may mga bigating artista mula sa tatlong malalaking TV networks ang kasama sa guest list ng gaganaping proklamasyon ng senadora kung saan inaasahang ilalahad na niya ang kaniyang mga plataporma at programang gagabay sa kaniyang pagtakbo sa susunod na taon.

Hindi naman na nakapagtataka na maging star-studded ang proklamasyon ni Poe dahil sa mga magulang na sina Fernando Poe Jr. at Susan Roces na itinuturing na hari at reyna ng pelikulang Pilipino.

Ilan pa sa mga artistang susuporta sa kaniya ay kabilang din sa mga sumuporta kay Pangulong Aquino sa kaniyang kampanya noong 2010.

Kabilang sa mga artistang matinding sumusuporta kay Poe ay ang mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera na kasama rin sa mga imbitado, Ogie Alcasid at Regine Velasquez, Carmina Villaroel at Zoren Legazpi, Richard Gomez at Rep. Lucy Torres-Gomez, Dawn Zulueta, Bianca Gonzalez at siyempre ang biological daughter ni FPJ na si Lovi Poe kasama ang kaniyang kaibigan at co-star Heart Evangelista na asawa naman ng kaibigan at posibleng maging running mate ni Poe na si Sen. Chiz Escudero.

Si Escudero naman ay nakatakdang mag-deklara ng kaniyang mga plano sa politika sa Huwebes, September 17 sa Club Filipino sa San Juan City.

Samantala sa hanay naman ng pulitika, kinumpirma ni House Minority Leader Ronaldo Zamora na ang kaniyang kinabibilangang partido, ang Nacionalista Party (NP) ay makikipagsanib pwersa sa Nationalist People’s Coalition (NPC), National Unity Party (NUP) at Makabayan bloc para bumuo ng kowalisyon na susuporta sa sa kandidatura ni Poe.

Ayon kay Zamora, bagaman tatakbo si Poe sa ilalim ng isang political coalition, mananatiling independent pa rin ang senadora.

Dagdag pa ni Zamora, ang mga pinuno ng NP, NPC, NUP at makabayan ay mayroong nakatakdang pagpupulong kagabi kasama si Poe.Aniya inaasahan rin niyang lalaki pa ang kanilang binubuong kowalisyon habang papalapit ng papalapit ang eleksyon.

Kumbidado rin si Speaker Feliciano Belmonte Jr. na vice chair rin ng Liberal party, pero nilinaw niya na hindi siya dadalo. Aniya, ang imbitasyon na kaniyang natanggap ay bilang respeto lamang dahil ang gaganapan nito ay nasa ilalim ng kaniyang distrito.

Hindi naman naimbitahan ang kaniyang ninong at kilalang matalik na kaibigan ng kaniyang ama na si Manila Mayor Joseph Estrada.

Ani Estrada, hindi siya inimbitahan at hindi niya alam kung bakit pero iginiit niya na sakali mang imbitahan siya, hindi pa rin niya ito pupuntahan para maging patas at hindi isipin ng mga tao na sinusuportahan niya ang kandidatura ng senadora dahil aniya, hindi pa rin siya sigurado sa kung sino ang kaniyang susuportahan.

Bagaman isa ring taga-suporta ni Poe, hindi rin makakadalo si Sen. Tito Sotto dahil may nauna na itong nakatakdang gawain, pero aniya, anuman ang maging desisyon ng senadora ay susuportahan niya.

Read more...