Kumbinsido ang ilang mga senador na si UST Faculty of Civil Law Dean Nilo Divina ang tinutukoy na ‘Big Brother’ na ilang beses binanggit sa group chat ng mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity matapos na pumutok ang balita ng pagkamatay ng UST Law freshman student na si Horacio “Atio” Castillo III
Sa ginawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ngayong araw, muling binalikan at binasa ni Sen. Migz Zubiri ang naging pag-uusap ng mga miembro ng Aegis Juris at doon ilan beses muling nabanggit si ‘Big Brother’ at ilang mga incriminating statements o mga pahayag na posibleng magpahamak sa mga alumni na mga abogado ng nabanggit na fraternity.
Samantala, sa ngayon ay nasa proseso pa ng pag authenticate ang MPD sa group chat ng grupo sa Facebook messenger upang magamit na ebidensya sa korte laban sa mga members ng Aegis Juris.
Ayon kay MPD District Director CSupt. Joel Coronel, nakausap na nila ang Facebook Philippines at pumayag ito na ipreserba ang nabanggit na group chat ng grupo para magamit sa kaso laban sa mga kasapi ng fraternity.