Lubog sa tubig baha at hindi madaanan ang maraming mga kalsada at tulay sa ilang bayan sa lalawigan ng Cagayan.
Ito ay dahil sa nararanasang pag-ulan sa lalawigan simula nitong weekend.
Sa monitoring ng Task Force Lingkod Cagayan, simula Linggo ng gabi, hindi na madaanan ng mga motorista ang Tallang to San Jose road sa Tuguegarao sa bayan ng Baggao.
Sa nasabi ring bayan, nananatiling impassable o hindi madaanan ng mga motorista ang mga tulay sa Taytay to San Isidro, Bitag Pequeno Bridge, Mocag Bridge, Bagunot Bridge at Abusag Bridge.
Sarado rin ang Asinga via C. Verzosa Bridge, Verzosa Bridge, Carupian, Ibulo to Bagunot Bridge, Carupian to Taguing Bridge, Tallang Zone 1 at Bitag grande.
Sa bayan naman ng Peñablanca, sarado ang Cabasan, Tawi Bridge at Quibal.
Sa Tuguegarao City, isinara sa mga motorista ang PInacanauan at ang Capatan Bridge.
Sa bayan ng Tuao, hindi rin nadaraanan ang Maguilling-Itawes Bridge mula Piat patungong Tuao dahil sa pag-apaw ng tubig.
Lunes ng madaling araw, inilikas na ang mga foreign student na naninirahan sa riverside ng Barangay Carig Sur, Tuguegarao City, dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa kanilang tirahan
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Cagayan, nakataas na sa alert level warning sa Buntun Bridge.
Umabot na kasi sa 9.94 ang water level sa ilog at patuloy pa sa pagtaas.
Sa sandaling magpatuloy ang pagtaas ng tubig sa ilog, kabilang sa mga maaapektuhan ng pagbaha ang mga residente sa low lying areas sa Tuguegarao, Enrile, Solana , Iguig , Amulung, Alcala at Baggao.