Isa na namang kaso ng mass shooting ang naganap sa Estados Unidos.
Sa pagkakataong ito, isang hindi pa nakikilalang lalake ang sinasabing bigla na lamang pumasok sa First Baptist Church sa Sutherland Springs, Texas.
Bigla na lamang umanong namaril ang naturang gunman sa mga tao sa loob na noo’y nasa kalagitnaan ng kanilang misa dakong alas 11:30 ng umaga, oras sa Amerika, ala-1:30 naman ng madaling-araw oras sa Pilipinas.
Ayon sa mga saksi, sunod-sunod na putok ang pinakawalan ng suspek sa grupo ng mga nananalangin.
Sa inisyal na mga ulat, hindi bababa sa 27 ang iniulat na nasawi samantalang mahigit sa 20 pa ang nasugatan.
Sa kasalukuyan, patay na rin umano ang gunman bagamat hindi pa malinaw kung ito ay nagbaril sa sarili o napatay ng mga pulis.