Inaasahang kasama sa mga dadalo sa pagdinig mamaya ang state witness si Marc Anthony Ventura na una nang umamin na kasama siya sa initiation rites, at nagbunyag sa mga detalye ng pangyayari.
Para sa nasabing pagdinig, ipinatawag ang mga miyembro ng fraternity na kabilang sa Facebook group chat na nag-usap ilang oras matapos mamatay si Castillo dahil sa hazing.
Base kasi sa kanilang mga pag-uusap, nagtangka ang mga ito na i-cover up ang insidente sa pamamagitan ng pagtuturo ng ilang abogadong miyembro ng fraternity sa mga law students kung paano nila malulusutan ang mga otoridad.
Pinayuhan din ng mga senior members ang mga sangkot na sirain ang mga ebidensyang makikita sa library kung saan naganap ang hazing.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, maaring ito na ang maging huling pagdinig para sa kaso ng pagkamatay ni Atio.
Umaasa naman si Gatchalian na dumalo ang mga ipinapatawag na miyembro dahil kung hindi, isa itong malinaw na indikasyon na sangkot sila sa obstruction of justice.
Pagkakataon na aniya ng mga miyembro na linisin ang kanilang mga pangalan sakali man na wala talaga silang kinalaman sa sinasabing cover up.