7 ex-military at 3 iba pa na miyembro ng private army, arestado sa Sultan Kudarat

 

Nasukol ng mga pulis ang 10 miyembro ng isang private armed group sa tatlong bahay sa Barangay Poblacion, sa Isulan, Sultan Kudarat.

Nasabat ng mga otoridad ang 25 na iba’t ibang matataas na kalibreng mga baril, hand grenades, rifle grenades at mahigit 1,400 rounds ng bala para sa iba’t ibang armas.

Ayon sa panayam ng Inquirer kay Sultan Kudarat Police Provincial Office chief Senior Supt. Raul Supiter, ang nasabing grupo ay pinamumunuan ni retired Army Master Sgt. Rodolfo Ecija, na ama ni Mayor Randy Ecija ng bayan ng Sen. Ninoy Aquino.

Pito aniya sa mga armadong tagasunod ni Ecija ay pawang mga retiradong sundalo.

Hindi naman aniya pumalag ang mga ito nang arestuhin sila ng mga pulis, matapos nilang ihain ang search warrant mula sa korte sa Kabacan, North Cotabato dahil sa pag-iingat ng mga light weapons.

Nakilala naman ang iba pang mga naarsto na sina retired Sgt. Rufino Lama, Augusto Terosa, Calvin Lakandula Jr., Joel Gardose, Glenn Brillantes, Richard Devaras, Joven Andrada, Romeo Momo at Reynaldo Dalayon.

Samantala, hindi naman kasama sa search warrant si Mayor Ecija kahit na naroon din siya nang isagawa ang raid.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Sultan Kudarat police provincial jail ang mga naarestong miyembro ng private armed group.

Read more...