Ayon kay Social Security Commision Chairman Amado Valdez, ang naturang panukala ay bahagi ng kanilang proposed SS Reform Act of 2017.
Ito aniya ay bahagi ng kanilang pagsusumikap na mapaganda pa ng lubusan ang pagbibigay-serbisyo sa kanilang mga miyembro.
Paliwanag pa ni Valdez, lumalaki ang posibilidad na mawalan ng trabaho ang isang manggagawa dahil sa paggamit ng mga robot at artificial intelligence sa mga pabrika at pagawaan.
Ang pangamba aniya ng international community ay ang posibilidad na dumami na ang mga robot sa mga pagawaan sa loob ng limang taon.
Ito ang dahilan kung kaya’t mahalagang magkaroon ng unemployment insurance upang magamit ng isang manggagawa ang pondo upang muling makapag-sanay sa ibang larangan.
Ito aniya ay maaring maisakatuparan sa pamamagitan ng partnership sa pagitan ng SSS at mga pribadong insurance companies.
“That’s the fear we have at SSS. Paano na ang mga kababayan natin kung andyan na ang mga robots? Sa Japan, wala nang nagtatrabaho sa kanila that’s why they are trying to perfect a robot na pwedeng utusan,” ayon kay Valdez.
“We have to have an unemployment insurance so when you lose your job to a robot, you can be retrained to do other jobs.”
Sa ilalim ng proposal, maaaring mabigyan ng benepisyo ang mga mawawalan ng trabaho at kung wala pang bagong trabaho na mapapasukan ang miyembro.
Ito aniya ay sinang-ayunan na ng mga kinatawan ng International Labor Organization (ILO), Department of Labor and Employment, Insurance Commission (IC) and Insular Life sa katatapos lamang na exploratory meeting.
Inirekomenda ng ILO sa SSS na silipin ang ilan pang aspeto ng proyekto tulad ng uri ng maaring benepisyong ibigay sa miyembro at mga kondisyon upang maayos na ipatupad ang programa.