Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, gagamitin ng PDEA ang karagdagang pondo para makapag-recruit at makapag-train ng mga bagong miyembro sa kanilang hanay na kasama nilang sasawata sa problema tungkol sa iligal na droga.
Aniya, iminungkahi niya sa PDEA na humingi ng karagdagang pondo para sa kanilang annual budget para magtalaga ng mga tauhan mula sa hanay ng mga pulis at militar. Ito ay kasunod ng naunang pahayag ng PDEA na kulang ang kanilang tauhan para tugunan ang utos ng pangulo.
Dagdag ni Roque, bukod sa pagkakaroon ng karagdagang tauhan ay kailangan munang sumailalim ang mga ito sa maayos na training para masiguradong maayos ang mga isasagawang operasyon at mababawasan ang mga collateral damage.
Napansin kasi umano ni Roque na karamihan sa mga kaso ng collateral damage ay kinasasangkutan ng mga bagong pulis na kulang pa sa training at eksperiyensiya.
Matatandaang kamakailan lamang ay inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PDEA na pangunahan ang anti-drug campaign ng pamahalaan, matapos batikusin ng mga local at foreign groups ang mga nangyayaring summary killings kaugnay ng war on drugs.
Ngunit nagpahiwatig naman ang pangulo na maaaring maibalik sa Philippine National Police (PNP) ang war on drugs depende sa magiging resulta ng pagsisikap ng PDEA sa susunod na anim na buwan.