Customs, nakakolekta ng P42-B para sa buwan ng Oktubre

 

Nakapagtala ng record-high ang Bureau of Customs (BOC) nitong nakaraang buwan ng Oktubre matapos itong makakolekta ng P42 bilyong buwis.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, P42.006 bilyon ang nakolekta nila para sa buwan ng Oktubre, mahigit dalawang bilyong pisong mas mataas kumpara sa P40.182 bilyong koleksyon noong Setyembre.

Ani Lapeña, ang mataas na bilang ng nakolektang buwis ay dahil sa pagbaba ng halaga ng piso. Pinakamababang naitalang halaga ng piso para sa nakalipas na buwan ay noong October 19 kung saan P51.53 ang halaga ng kada isang dolyar.

Dagdag pa nito, bagaman maraming araw na walang pasok nitong nakaraang Oktubre ay tumaas naman ang halaga ng mga importation dahil sa mas mataas na exchange rate, halaga ng mga produktong petrolyo, at mas pinabuting valuation at classification.

Bagaman ikinokonsiderang record-high ang koleksyon ng kagawaran, mas mababa pa rin ito sa target ng Customs na P50 bilyon makokolektang buwis kada buwan para matugunan ang target na P467.9 bilyon para sa kabuuan ng taong 2017.

Read more...